
Iginiit ng House prosecution na maituturing pa ring impeachable offense ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kahit walang pisikal na ebidensya ng umano’y kontrata sa isang hitman.
Sa press conference nitong Miyerkules, sinabi ni House prosecutor at San Juan Rep. Bel Zamora na hindi kriminal na kaso ang dinidinig sa impeachment court kundi usapin ng betrayal of public trust, high crimes, at culpable violation of the Constitution.
Ayon kay Zamora, hindi kailangang patunayan ang lahat ng elemento ng isang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code upang mapanagot ang isang opisyal sa impeachment.
Aniya, sapat na batayan ang mga naging pahayag ng bise presidente upang ituring na impeachable ang kanyang naging kilos.
Samantala, sinabi naman ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser Ace Barbers na hindi karaniwang nag-iiwan ng nakasulat na kontrata ang mga taong sangkot sa krimen.
Aniya, wala pa siyang nakitang kaso kung saan may pisikal na kasunduan sa pagkuha ng isang assassin.









