Kinumpirma ng Malacañang na binawasan na ang pagdaraos ng UPLIFT committee meetings mula lingguhan tungo sa kada dalawang linggo, kasunod ng patuloy na epekto ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy pa rin ang trabaho ng mga gabinete at ahensya ng pamahalaan kahit hindi na lingguhan ang pulong ng UPLIFT.

Ang UPLIFT o United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport ay isang whole-of-government framework na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order 110 upang tugunan ang epekto ng krisis sa Middle East at pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ng Palasyo na nakikita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga ahensya kahit may adjustment sa iskedyul ng mga pagpupulong.

Dagdag pa ni Castro, kabilang sa mga tinitingnang prayoridad ng administrasyon ang panukalang UPLIFT Bill.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman sa Department of Budget and Management o DBM, aabot sa humigit-kumulang P155 bilyon ang kakailanganin para sa mga programa sa ilalim ng UPLIFT, na maaaring kunin mula sa savings, realigned allotments, o hindi pa nailalabas na pondo ng mga ahensya.

Nauna nang nagdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency at inatasan ang pagpapatupad ng UPLIFT upang matulungan ang mga apektadong sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs sa gitna ng pandaigdigang krisis sa suplay ng langis.