Hinihintay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa committee report sa panukalang batas na humihiling na pagkalooban siya ng emergency powers para bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng kaguluhan sa Middle East bago nito sertipikahan na urgent.

Una rito, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hiniling ni Marcos sa Kongreso na bigyan siya ng kapangyarihan na ibaba ang excise tax sa sandaling umabot sa mahigit $80 per barrel ang Dubai crude na ngayon ay lampas na sa nasabing halaga.

Kaugnay nito, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakikipag-ugnayan sila sa tanggapan ni Executive Secretary Ralph Recto kaugnay sa nasabing usapin.

Nagpahayag naman ng suporta si Energy Secretary Sharon Garin sa nasabing panukala, kung saan sinabi niya na ang dalawang buwan na suspensyon sa excise tax ay magpapababa sa presyo ng diesel ng hanggang P6 per liter.

May nasa limang nakabinbin na panukalang batas na humihiling na payagan si Marcos na bawasan ang fuel excise tax sa panahon ng emergency situations.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni House ways and means committee chairperson Miro Quimbo na ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Marcos na suspindihin ang excise tax ay isasailalim sa deliberasyon at maaaring maaprobahan bukas, March 11.