Patay ang isang staff ng parlor matapos pagbabarilin ng isang lalaking sakay ng motorsiklo sa loob ng isang computer shop sa Tanza, Cavite.
Kinilala ang biktima bilang si alyas Joseph, residente ng Pabahay 2000 sa Brgy. Paradahan 2.
Ayon sa ulat, bigla na lamang pumasok ang suspek na si alyas Dodong at pinagbabaril ang biktima habang ito’y naglalaro sa loob ng shop.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek sakay ng isang MIO Sporty na motorsiklo patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na may matagal nang alitan ang dalawa na may kaugnayan umano sa ilegal na droga.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang na ang backtracking ng CCTV footage sa lugar upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at maaresto ito sa lalong madaling panahon.