Nagdulot ng panibagong pangamba sa mga residente ang naitalang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon nitong Biyernes ng gabi, Mayo 1, 2026, kasabay ng patuloy na pag-iral ng Alert Level 3 sa bulkan.

Batay sa obserbasyon mula sa Ligao Observation Station at Mayon Volcano Observatory, naitala ang minor Strombolian activity bandang 7:39 ng gabi, na sinundan ng panandaliang lava fountaining dakong 8:05 ng gabi.

Umabot sa tinatayang 300 metro ang taas ng ibinugang plume bago ito tinangay pakanluran-timog-kanluran.

Sa ika-116 na araw ng tuloy-tuloy na effusive eruption, patuloy ang pagdaloy ng nagbabagang lava mula sa bunganga ng bulkan.

Naitatala rin ang pagbuo ng pyroclastic density currents o “uson,” gayundin ang madalas na pagguho ng mga bato mula sa matarik na bahagi nito.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, pinaigting ng mga awtoridad ang paalala sa mga komunidad na nasa paligid ng bulkan na manatiling alerto at sumunod sa umiiral na mga restriksyon.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog at iba pang mapanganib na aktibidad ng bulkan.