Tatalakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng energy security ng Pilipinas sa nakatakda niyang state visit sa Japan sa susunod na linggo.

Ayon kay Marcos, malaking tulong ang ibinigay ng Japan sa paghahanap ng mga solusyon upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang oil supply.

Sinabi pa ng Pangulo na nais pa nilang palawakin ang pakikipagtulungan sa Japan, lalo na ngayong mas aktibo ito sa usapin ng energy supply at seguridad sa enerhiya.

Mula Mayo 26 hanggang 29, magsasagawa ng state visit sa Tokyo sina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos sa imbitasyon ng pamahalaan ng Japan.

Inaasahan ding magkakaroon ng summit meeting sina Marcos at Japanese Prime Minister Takaichi Sanae upang talakayin ang pagpapalalim ng strategic partnership ng dalawang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa tatalakayin ang programang Partnership on Wide Energy and Resources Resilience o POWERR Asia, na inilunsad ng Japan noong Abril.

Layunin nitong tulungan ang mga bansang Asyano na masiguro ang suplay ng krudo, palakasin ang supply chains, at mabawasan ang epekto ng posibleng oil supply disruptions sa rehiyon.