Nanganganib na makaranas ang Pilipinas ng kauna-unahang credit rating downgrade sa loob ng mahigit dalawang dekada matapos ibaba ng Fitch Ratings ang outlook nito sa bansa mula “stable” patungong “negative.”

Sa kabila nito, nananatili ang investment-grade na “BBB” rating ng bansa. Gayunman, ayon sa Fitch, ang negative outlook ay indikasyon na maaaring ibaba ang rating sa loob ng susunod na 18 hanggang 24 buwan.

Kung mangyayari, ito ang magiging unang downgrade ng Pilipinas mula noong 2005, sa kasagsagan ng krisis pampulitika sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ipinaliwanag ng Fitch na ang pagbabago ng outlook ay dahil sa tumitinding pressure sa pananalapi ng bansa, kabilang ang epekto ng graft scandal at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon pa sa ahensya, maaaring maapektuhan ang malakas na medium-term growth outlook ng Pilipinas dahil sa pagkaantala ng public investment at pagtaas ng gastos sa enerhiya.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-babala rin nito na maaaring lumiit ang kalamangan ng bansa sa paglago kumpara sa ibang ekonomiya, lalo na sa gitna ng mataas na utang ng gobyerno at unti-unting paghina ng panlabas na pananalapi.

Nauna rito, ibinaba rin ng S&P Global Ratings ang outlook ng Pilipinas mula “positive” patungong “stable,” na nagpapahina sa posibilidad na makamit ng bansa ang kauna-unahang “A” rating mula sa isang pangunahing credit rating agency.

Dumagdag ang mga hamong ito sa gitna ng lumiliit na fiscal buffers ng pamahalaan at patuloy na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.