Dumistansya ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa suhestiyon ng isang mahistrado ng Korte Suprema na magpatupad ng balasahan sa hanay ng kanilang board of directors dahil sa isyu ng paggamit ng pondo ng korporasyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PhilHealth President and CEO Dr. Edwin Mercado na patuloy naman ang ginagawang assessment sa performance ng board members, at sa ngayon ay nakikita naman nila ang dedikasyon ng bawat miyembro.
May itinakda na rin aniya silang batayan para masukat ang kani-kanilang ambag sa organisasyon.
Ayon pa kay Mercado, mas importanteng tutukan ang pagpapatupad ng accountability at pagsunod sa itinakdang metriko para maging batayan ng mga opisyal sa kanilang tungkulin.
Ito rin aniya ang plano niyang ipatupad sa mga miyembro ng board para patuloy na maihatid sa publiko ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, tiniyak naman ni Mercado na handa silang sumunod sa kung anong magiging desisyon ng Korte sa petisyon laban sa paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth noong 2024 sa National Treasury.