
Hihingi ng karagdagang suporta ang Pilipinas para sa kandidatura nitong maging non-permanent member ng United Nations Security Council para sa term na 2027 hanggang 2028 sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United Nations sa New York sa darating na March 9 hanggang 10.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Angelica Escalona na isa ito sa layunin ng pagharap ng Pangulo sa special session ng UN General Assembly.
Ayon kay Escalona, mahalaga para sa Pilipinas na magkaroon ng puwesto sa UN Security Council dahil nagbibigay ito ng mas malaking papel sa pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa global peace at security.
Anya, may direktang epekto ang mga desisyon ng Security Council sa mga bansa tulad ng Pilipinas, kabilang ang mga isyu sa sovereignty, maritime security, global economy, at sa kaligtasan ng mga overseas Filipino workers.
Binigyang-diin din ng DFA na sa pag-upo sa Security Council, magkakaroon ang Pilipinas ng pagkakataong maitaguyod ang interes ng mga developing countries at makibahagi sa paghahanap ng solusyon sa mga hamon sa pandaigdigang seguridad.
Sa kanyang talumpati sa UN General Assembly, inaasahan ding bibigyang-diin ng Pangulo ang matagal nang pakikibahagi ng Pilipinas sa United Nations mula pa noong ito ay maitatag noong 1945, kabilang ang pagsusulong ng rule of law, multilateralism, sustainable development, climate resilience, humanitarian action, at human rights.










