
Sumang-ayon ang US-led defense manufacturing partnership na maglunsad ng bagong missile motor production program kasama ang Japan, isulong ang drone cooperation effort sa Asya at pag-aaralan ang paglikha ng bagong ammunition production line sa Pilipinas, ayon sa Pentagon.
Ang Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience, kilalang PIPIR, ay grupo ng mga nasyon na nagtutulungan sa pagpapaunlad ng kanilang mga armas at defense manufacturing capacity sa Asia-Pacific region.
Itinatag ito ng Estados Unidos noong May 2024 para bawasan ang panganib sa supply chain at matulungan ang mga kaalyado sa paggawa at mapanatili ang military equipment sa mga lugar na kailangan.
Inilathala ng Pentagon ang joint statement kasunod ng virtual meeting, kung saan tinanggap ng grupo ang mga bagong miyembro – ang Thailand at United Kingdom.
Dahil dito, umaabot na sa 16 na bansa ang miyembro ng nasabing grupo na mas lumawak pa sa Indo-Pacific at Europe.
Sinabi ng grupo na sumang-ayon sila na magtatag ng bagong programa na gumawa ng solid rocket motors – ang propulsion systems na ginagamit sa maraming guided weapons, kung saan pangungunahan ito ng Japan.
Ang nasabing hakbang ay para mapalakas ang production capacity sa labas ng US para sa mahalagang weapons component.
Sumang-ayon ang grupo para sa serye ng mga hakbang para makabuo ng common standards at supply chains para sa maliliit na military drones sa rehion, kabilang ang paggawa ng mga baterya at maliliit na motors na magpapagana sa mga ito.
Para naman sa ammunition, sinabi ng grupo na pinag-aaralan nila ang Pilipinas na pagpatayuan ng bagong pasilidad para sa loading, pag-assemble, at packaging ng 30mm cannon rounds – ang uri ng mga bala na karaniwang ginagamit ng military aircraft at ground vehicles.










