
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hindi lalagpas sa 20 lugar ang kanilang ni-raid na posibleng pinagtataguan ng negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., may ilan sa mga lugar na ito ang muli nilang pinuntahan, hindi lamang dalawang beses kundi tatlong beses pa, ngunit hindi pa rin nila natunton si Ang.
Bukod sa mga lugar, tinitingnan din ng pulisya ang mga kaibigan ni Ang na maaari nitong pagtaguan.
Dagdag pa ni Nartatez, mayroon na umanong mga isla sa Pilipinas na may presensya na ng mga pulis na nakahandang manghuli kay Ang sakaling makumpirma ang lokasyon nito.
Patuloy rin umanong nakikipag-ugnayan ang PNP sa kanilang international counterparts, lalo na sa posibilidad na maaaring gumamit ito ng ibang pangalan.
Kaugnay nito, sinabi ni Nartatez na kapareho rin ito ng kanilang hakbang sa iba pang mga pinaghahanap tulad nina Gerald Bantag, dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor); dating Cong. Zaldy Co at tatlong executive ng Sunwest Construction and Development Corporation na nananatiling at large.










