Tumaas ang presyo ng krudo ngayong Lunes, kung saan ang US benchmark na West Texas Intermediate ay pumalo sa $113.62 kada bariles, tumaas ng 1.86 porsyento, habang nagpapatuloy ang digmaan sa Middle East na nagpapahirap sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Tumaas din ang presyo ng North Sea Brent crude sa pagbubukas ng merkado ngayong araw, na pumalo sa $110.30 kada bariles, tumaas ng 1.16 porsyento.

Ito ay kasunod ng banta at nagbigay ng deadline si US President Donald Trump na Martes sa Iran na wakasan ang digmaan at muling buksan ang shipping sa kritikal na Strait of Hormuz.

Ang digmaan sa Middle East ay pumasok na sa ikaanim na linggo mula nang magsimula ang malawakang atake ng United States at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28, at ito ay nagdulot ng malawakang tunggalian sa buong rehiyon pati na rin malaking epekto sa pandaigdigang ekonomiya.

Bilang tugon sa mga atakeng ito, halos isinara o pinahirapan ng Iran ang pagdaan sa Strait of Hormuz — isang makitid ngunit napakahalagang ruta kung saan dumadaan ang halos 20% ng langis at natural gas ng mundo patungo sa iba’t ibang merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nagdulot ito ng matinding kaguluhan sa suplay ng enerhiya sa pandaigdigang merkado at nagtulak ng malalaking pagtaas sa presyo ng krudo at iba pang produktong petrolyo.

Ang limitadong daloy ng langis sa rutang ito ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina at diesel sa marami bansa.