Tumaas ang presyo ng langis at bumagsak ang karamihan ng stock markets sa buong mundo dahil sa pangamba sa marupok na ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Nag-ugat ang tensyon matapos magbanta ang Iran na muling lalala ang labanan kasabay ng patuloy na pag-atake ng Israel sa Lebanon. Dahil dito, muling naapektuhan ang Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng langis sa mundo.

Bagama’t unang bumaba ang presyo ng langis matapos ianunsyo ni US President Donald Trump ang pansamantalang tigil-putukan, agad itong tumaas muli nang lumabas ang mga hindi pagkakaunawaan sa kasunduan.

Kasabay nito, bumagsak ang mga stock market sa Asya at Europa, kabilang ang Tokyo, Hong Kong, Shanghai at London, dahil sa pangamba ng mga investor na maaaring tuluyang mabigo ang ceasefire.

Ayon sa mga analyst, kahit magpatuloy ang tigil-putukan, maaaring matagalan bago bumalik sa normal ang suplay ng enerhiya dahil sa pinsala sa imprastraktura sa mga pangunahing oil-exporting countries.

-- ADVERTISEMENT --