Wala umanong natatanggap na anomang beripikadong report ang tatlong major services ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa ilang tauhan na nagbibitiw umano sa puwesto kasunod ng pag-aresto at pagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, The Netherlands noong March 11.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Army (PA) spokesperson Col. Louie Dema-ala, wala silang natatanggap na report na may mga sundalo sa kanilang units ang nagbitiw sa kabila ng mga ulat sa social media.
Ayon kay Dema-ala, hindi nila paniniwalaan kung ang source ay mula sa social media lamang.
Iginiit niya na nananatiling mataas ang morale ng mga sundalo dahil ang Army ay isang professional organization at naka-focus ito sa kanilang mandato.
Idinagdag pa ni Dema-ala na nananatiling intact ang Philippine Army at hindi kailangan na magsagawa ng loyalty check.
Sinuportahan din ito ng Philippine Navy, kung saan iginiit na sila ay professional organization na sumusunod sa chain of command.
Sinabi ni PN spokesperson Capt. John Percie Alcos, nananatiling matatag ang kanilang hanay sa pagtupad sa kanilang tungkulin na tiyakin ang national security at stability.
Samantala, maging ang Philippine Air Force (PAF) ay nagsabing wala silang na-monitor na anomang kaguluhan o personnel resignation sa kanilang hanay.
Pinagtibay naman ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang mga pahayag ng major services, kung saan nilinaw niya na hindi beribikado ang mga ulat na may mga sundalo na nagbibitiw bilang pagpapakita ng suporta kay Duterte.