
Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) si Nicholas Kaufman na umatras bilang lead counsel o pangunahing abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na desisyon ng Trial Chamber II nitong Lunes, Mayo 11, sinabi ng korte na walang magiging hadlang o aberya sa kaso dahil mismong si Duterte umano ang nagpasya na palitan ang kanyang abogado.
Inatasan din ng ICC na ilantad sa publiko ang pangalan ng papalit na counsel maliban kung may sapat na dahilan upang manatiling kumpidensyal ito.
Ayon sa korte, handa na agad na humalili ang bagong lead counsel at dumalo sa unang status conference ng kaso sa Mayo 27.
Si Kaufman, isang British-Israeli lawyer, ang naging abogado ni Duterte mula nang maaresto ito noong Marso 2025.
Pinangunahan niya ang depensa ng dating pangulo sa confirmation of charges hearings noong Pebrero at sa naging hamon nito sa hurisdiksyon ng ICC na kalaunan ay ibinasura rin.
Sinabi ni Kaufman na nagtapos ang kanyang kontrata kay Duterte noong Marso 31, 2026 at noong Mayo 7 ay pormal siyang pinakawalan ng dating pangulo bilang kanyang abogado.
Nauna ring pinayagan ng ICC noong Mayo 8 ang pag-atras ni associate counsel Dov Jacobs bilang bahagi ng reorganisasyon ng legal team ni Duterte bago ang paglilitis.
Matatandaang kinumpirma ng ICC noong Abril 23 ang tatlong kasong crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo mula 2016 hanggang 2022.
Nakatakdang talakayin sa Mayo 27 status conference ang trial date, bilang ng mga testigo, expert witnesses, remote testimonies at mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.










