Patay ang isang rider at kanyang back rider matapos na mahulog ang kanilang motorsiklo sa bangin na may lalim na 30 meters sa kahabaan ng Baguio-Asin road, partikular sa Km. 8 Tadiangan, Tuba, Benguet kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Dennis Corpuz, 33-anyos, driver at residente ng Ungab, Cuyapo, Nueva Ecija at Maricar Abadidas Gilo, 33-anyos at residente ng Holy Ghost Extension, Baguio City.

Batay sa imbestigasyon, patungo sana ang dalawa sa La Union nang mahulog ang kanilang motorsiklo sa bangin.

Mabilis umano ang takbo ng kanilang motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Sinabi ng mga saksi sa mga imbestigador na sumisigaw umano ang dalawang sakay ng motorsiklo habang mabilis ang kanilang patakbo hanggang sa mawalan ng kontrol sa manebela ang driver at bumangga sa pader sa gilid ng kalsada at mahulog sa malalim na bangin.

-- ADVERTISEMENT --

Nahulog sa tubig si Corpuz habang ang kanyang back rider na babae ay nahulog sa mabato na bahagi ng bangin.

Nakita ng mga rescuer at mga residente sa lugar ang mga biktima na walang malay matapos na magtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan dahil sa insidente.

Nagtamo ang driver ng traumatic brain injury habang ang kanyang back rider ay nagtamo ng spinal injuries.