Patay ang isang rider matapos siyang barilin ng dalawa pang rider na sumita sa ginawa niyang pag-counterflow sa kalsada sa Quezon City.
Makikita sa CCTV na nakasalubong ng dalawang motorsiklo ang isa pang motorsiklong nag-counterflow, at nagkasagutan ang mga rider.
Ilang saglit pa, itinabi ng nag-counterflow na rider ang kaniyang motorsiklo at nilapitan ang dalawang rider na huminto naman sa may unahan.
Habang lumalapit ang nag-counterflow na rider, bigla siyang pinutukan ng baril ng dalawa.
Ayon sa pulisya, nagawa pang makatakbo palayo ng biktima, ngunit binawian ng buhay kalaunan matapos magtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Nadakip ang isa sa dalawang suspek sa pamamaril sa biktima sa Caloocan City sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ng Quezon City.
Natuklasan ng mga awtoridad na dati nang naharap sa ilang kaso ang isa sa mga suspek.