
Nagbintang ang Russia at Ukraine laban sa isa’t isa kaugnay ng umano’y paglabag sa pansamantalang tigil-putukan na ipinatupad para sa Orthodox Easter, ilang oras matapos itong magsimula.
Ayon sa mga opisyal ng Russia, may mga drone na umatake mula sa panig ng Ukraine sa mga rehiyon ng Kursk at Belgorod na nagdulot ng limang sugatan. Kabilang dito ang isang bata matapos tamaan ang isang gasolinahan sa bayan ng Lgov.
Samantala, iniulat ng militar ng Ukraine na umabot sa 469 na paglabag ang ginawa umano ng pwersa ng Russia, kabilang ang mga opensiba, pambobomba, at drone strikes sa loob ng 32-oras na tigil-putukan.
Ang ceasefire ay inanunsyo ni Russie President Vladimir Putin at sinang-ayunan naman ni Volodymyr Zelenskyy. Nagsimula ito alas-4 ng hapon oras sa Moscow bilang paggunita sa Orthodox Easter.
Sa kabila nito, patuloy ang tensyon sa magkabilang panig habang kapwa nila inaakusahan ang isa’t isa ng paglabag sa kasunduan. Nananatiling bukas ang panawagan ng Ukraine na palawigin ang tigil-putukan, ngunit wala pang pinal na kasunduan para sa pangmatagalang kapayapaan.










