
Ipinahayag ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang kanilang matibay na suporta para sa reapportionment ng lalawigan mula sa kasalukuyang tatlong distrito tungo sa limang congresional district.
Ayon kay 1st District Board Member Atty. Romeo Garcia, layunin ng mungkahing ito na magkaroon ng mas malapit, mas malakas, at mas patas na representasyon para sa lahat ng Cagayano.
Binigyang-diin ng komite na ang panukala ay makatuwiran na naglalayong bigyan ng gabay ang Kongreso sa pagdedesisyon sa komposisyon ng mga distrito.
Isa sa mga binigyang-diin ang paglilipat sa bayan ng Calayan sa iminungkahing ikalimang distrito.
Ayon sa komite, ang hakbang na ito ay makatwiran dahil nakatutulong ito sa pantay na distribusyon ng populasyon, at isinasaalang-alang ang mga hamon sa isla, gaya ng maritime connectivity, kahandaan sa kalamidad, at kaunlaran.
Dagdag pa rito, inaasahan din na ang pag-usbong ng isang paliparan sa nasabing distrito na magpapabuti sa konektibidad at serbisyo para sa mga residente ng Calayan.
Ipinahayag ng Sangguniang Panlalawigan na ang reapportionment ay hindi lamang batay sa heograpiya kundi pati na rin sa administratibong bisa at kaunlarang panlipunan.
Pinanindigan nila na ang panukalang ito ay hindi politikal kundi isang kolektibong hakbang para sa mas epektibong pamamahala at representasyon.
Hinimok ng Sangguniang Panlalawigan ang mga kinatawan ng Una, Ikalawa, at Ikatlong Distrito na simulan at isulong ang kinakailangang batas sa Kongreso upang maisakatuparan ang reapportionment.










