Pinangunahan ni Sen. Loren Legarda ang isang “rescue buy” initiative upang sagipin ang ani ng mga magsasaka sa Sto. Niño, Cagayan, na nanganganib masayang dahil sa mataas na gastos sa transportasyon dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Toneladang repolyo ang hindi agad naipagbili ng mga magsasaka dahil sa mahal na krudo, na nagpapataas sa gastos ng pagdadala ng produkto mula sa bukirin patungo sa merkado.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang kampo ni Legarda sa Rural Rising Philippines (RuRi PH), isang organisasyong tumutulong sa maliliit na magsasaka na makahanap ng pamilihan para sa kanilang ani sa makatarungang presyo.

Ang mga nasagip na gulay ay ipinamigay sa mga residente ng Payatas, Quezon City, kabilang ang mga pamilyang kapos sa kita, mga senior citizen, at mga tsuper ng transport network vehicle service (TNVS) na apektado rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Kasabay ng inisyatibang ito, nanawagan si Legarda sa pamahalaan na magpatupad ng mga mekanismo upang mabili ang mga hindi naibebentang ani ng mga magsasaka, lalo na sa mga panahong apektado ng mataas na gastos sa krudo ang distribusyon ng pagkain.

-- ADVERTISEMENT --

Iminungkahi rin ng senadora na maaaring sagutin ng gobyerno ang bahagi ng gastusin sa transportasyon bilang anyo ng subsidiya, upang mapagaan ang pasanin ng mga magsasaka at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain para sa mga mamimili.

Binigyang-diin ni Legarda na ang ganitong hakbang ay nagpapakita na may agarang solusyon sa problema ng food waste at gutom kahit walang komplikadong proseso, at hinihikayat niya ang publiko na direktang suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang produkto.