Nahalal bilang bagong miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee si Senator Robin Padilla, bilang kapalit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi na lumilitaw sa Senado mula Nobyembre ng nakaraang taon.

Ayon sa Senate plenary session, iniharap ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang panukala na ihalal si Padilla bilang kapalit ni Dela Rosa sa bahagi ng Senado minority bloc sa komite.

Inaprubahan naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mosyon nang walang pagtutol mula sa kanilang mga kasamahan.

Umalma ang publiko noong Nobyembre 11, 2025, nang hindi na nagpakita si Dela Rosa sa Senado at hindi na dinaluhan ang anumang session.

Nagsimula umano ang kaniyang pagliban matapos igiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay ng madugong war on drugs.

-- ADVERTISEMENT --

Kinalaunan, tinukoy ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng crimes against humanity.

Ang Senate Blue Ribbon Committee, na opisyal na kilala bilang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, ay may tungkuling imbestigahan ang lahat ng usapin kaugnay sa katiwalian, kapabayaan, at maling paggamit ng opisina ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, gayundin ang pagpapatupad ng probisyon sa Konstitusyon laban sa nepotismo, at ang anumang usaping pampubliko na inihain sa kanila o iniulat ng mga miyembro ng Senado.