TUGUEGARAO CITY – Nananatiling lubog sa tubig baha ang Sitio Arsag Barangay Linao East, Tuguegarao City, ilang araw matapos maranasan ang malawakang pagbaha sa probinsya ng Cagayan.

Ayon kay Maria Soledad Sapp ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), hindi pa rin marating ng mga sasakyan ang lugar kung kaya’t bangka ang kanilang ginagamit para maghatid ng tulong.

Aniya, mahirap na humupa ang tubig baha dahil walang ibang daluyan o lagusan ang naipong tubig.

Sinabi ni Sapp na maaring sa susunod na buwan pa tuluyang huhupa ang tubig baha sa lugar.

Dahil dito, sinabi ni Sapp na nagpahiram na sila ng bangka dahil tanging ang improvised na bangka lamang ang kanilang ginagamit sa ngayon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nakarating na ang kanilang grupo sa lugar para mag-abot ng ayuda sa 35 pamilya na katumbas ng humigit kumulang na 200 katao, tiniyak ng opisyal na muli silang babalik para muling magpaabot ng tulong.

Nabatid na hanggang ngayon ay wala pa ring supply ng kuryente sa lugar.

Sinabi ni Sap na pangunahing kailangan pa rin ng mga residente ay ang tubig na maiinom, pagkain , damit at diaper ng mga bata.

Tinig ni Choleng Sap

Samantala, umabot 40,875 na pamilya na katumbas ng 144, 250 na katao ang naapektuhan ng pagbaha sa lungsod kung saan nasa 67 pamilya pa rin ang nananatiling nasa evacuation centers sa lungsod at dalawa ang nasawi kabilang na ang rescuer na mula sa BFAR at isang resindente na nalunod.