
Naghain na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kasong administratibo laban sa 12 opisyal ng Bureau of Fire Protection may kaugnayan sa umano’y korapsyon sa recruitment at iregularidad sa mga isinasagawang inspeksyon.
Sa BFP Region 8, apat na dating senior officials ang kinasuhan sa kanilang pagkakasangkot sa slot-for-sale scheme sa recruitment ng Fire Office 1 noong 2025.
Sinasabing pinagbabayad ang mga aplikante ng P400,000 hanggang P800,000 kapalit ng siguradong pagkakasali ng kanilang mga pangalan sa pinal na listahan.
Sinuspindi ang apat na opisyal ng 90 araw upang matiyak na hindi sila makikialam sa kaso at protektahan ang integridad ng proseso.
Kinasuhan na rin ang anim na mga opisyal mula sa BFP Region 10 dahil sa iregularidad sa recruitment, kabilang ang pag-aproba ng mga aplikante kahit wala silang medical, physical, at dental clearances at kabiguan na maayos na ilabas ang resulta ng examination.
Sa BFP 4-A, dalawang personnel ang kinasuhan dahil sa umano’y iregularidad sa fire safety inspection practices, kinabibilangan ng paglabag sa inspection protocols.
Kasalukuyan naman ang administrative proceedings laban sa isang fire officer mula sa NFP Region 1 dahil sa umano’y paghingi ng P90,000 kapalit ng pagbibigay ng recruitment slot sa isang aplikante.
Ayon sa DILG, nakatanggap na sila ng nasa 40 na reklamo.
Ang 21 sa mga ito ay naisangguni na sa Criminal Investigation and Detection Group para sa imbestigasyon at case buildup.










