TUGUEGARAO CITY-Nagpapakitang gilas at nagpapasipsip lamang umano kay Pangulong Rodrigo Duterte si Solicitor General Jose Calida matapos ang inihaing quo warranto petition sa Korte Suprema laban ABS-CBN.

Ayon kay Bayan muna Chairman Neri Colmenares, galit ang pangulo sa ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere sa ilang advertisement nitong nagdaang election kung kayat ito ang binibigyang pansin ni Calida.

Aniya, nagpapasikat lamang si Calida sa pangulo at nais lamang niyang ipakita na karapat-dapat siya sa posisyon.

Hindi rin naniniwala si Colmenares na walang kinalaman si pangulong Duterte sa hakbang na ginawa ni Calida dahil sa tuwing magbibigay ng order ang pangulo ay idinadaan nito sa public announcement na agad namang ginagawan nang hakbang ng kanyang mga opisyales.

Dagdag pa ni Colmenares na kung kalaban ng pangulo ang nasasangkot ay agad nitong hinahabol ng kanyang tauhan kahit na wala namang epekto sa mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Colmenares na ang dapat bigyang pansin at dapat kasuhan ay ang mga utilities na may malaking epekto sa mamamayan tulad ng Maynilad.

Madami aniya ang problema ang bansa at hindi ang paghahain ng kaso laban sa Abs-Cbn ang unahin at pagkaabalahan.

Hayaan na lamang ang kongreso na gumawa ng desisyon kung papalawigin pa ang prangkisa ng naturang network na mapapaso sa susunod na buwan.

Tinig ni Neri Colmenares