
Isang maswerteng bettor mula sa Tuguegarao City, Cagayan ang naging instant milyonaryo matapos niyang tamaan ang jackpot prize sa 6/45 Mega Lotto draw noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakuha ng mapalad na bettor ang tamang winning combination na 22-24-28-05-07-25, na may kabuuang premyong ₱57.54 milyon.
Binili umano ng nanalong mananaya ang kanyang ticket sa isang lotto outlet sa Barangay Tanza.
Bukod sa jackpot winner, may 102 pang mananaya ang tumama ng lima sa anim na numero at tumanggap ng ₱32,000 bawat isa.
Samantala, wala namang nanalo sa 6/58 Ultra Lotto na may ₱49.5 milyong jackpot prize sa parehong gabi ng draw. May isang bettor na nakakuha ng limang tamang numero sa kombinasyong 11-38-14-56-40-48 at nanalo ng ₱120,000.
Patuloy ang paalala ng PCSO sa publiko na maglaro nang responsable at gamitin sa tama ang kanilang mga napanalunan.