
Ibinasura ng Armed Forces of the Philippines ang social media posts na nagsasabing may “third force” na nagpaplano ng kudeta para patalsikin ang Marcos administration.
Sinabi ni AFP Public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, nananatiling nakatutok ang militar sa kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas at balewala sa kanila ang mga hindi beripikadong mga pahayag online.
Kumalat ang sinasabing “third force” matapos na iugnay ng social media users ang mas mahigpit na seguridad sa palibot ng Malacañang sa umano’y plano na pagpapabagsak sa pamahalaan.
Lalo pang lumakas ang mga hinala matapos ang posts mula kay Atty. Levito Baligod, abogado ng 18 dating Marines na nagsabing nagdala sila ng malalaking halaga ng pera na mula umano sa kickbacks sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Tinawag ni Baligod ang pagkilos na “third force” sa kanyang post sa X.
Sinabi niya sa kanyang post: “Double-time ang ‘coup me’ plotters na ‘third force’. Sila yung 41 katao na makasarili at protektors ng mga magnanakaw.”
Samantala, nilinaw ng Malacañang na ang pagdagdag ng mga pulis sa palibot ng palace complex ay bahagi ng routine security exercise.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, layunin nito na masubok ang kahandaan ng mga nagbabantay sa Palasyo ng Malacañang.
Sinabi din ng Manila Police District na ang deployment ng karagdagang pulis sa palasyo ay bahagi ng regular na security preparations bilang paghahanda sa posibleng mga rally.
Nanawagan si Trinidad sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, lalo na at kasalukuyan ngayon ang global tensions.










