
Ikinokonsidera umano ni US President Donald Trump ang unti-unting paghupa ng mga operasyon sa Iran, subalit iginiit na dapat na bantayan ng ibang bansa ang Strait of Hormuz.
Kasabay nito, sinabi ni Trump na hindi siya magpapatupad ng ceasefire o tigil putukan.
Binigyang-diin niya na hindi maaaring magpatupad ng ceasefire kung patuloy na napipinsala ang Iran.
Kaugnay nito, sinabi ng US na pansamantalang tatanggalin ang sanctions sa Iranian oil na naipit sa dagat, upang maibsan ang patuloy na impact sa presyo ng enerhiya.
Una rito, inaprobahan ng United Kingdom ang paggamit ng kanilang mga base para sa paglulunsad ng US strikes sa Iranian sites na target ang Hormuz, na mahalagang shipping lane para sa nasa 20 percent ng langis ng mundo.
Sinabi ni Trump na huli na ang desisyon ng UK.
Inakusahan naman ng foreign minister ng Iran ang UK na inilalagay sa panganib ang buhay ng mga Briton, at iginiit na gagamitin nito ang kanilang karapatan sa self-defense.
Una rito, tinawag ni Trump ang mga kaalyadong bansa sa Nato na mga duwag dahil sa pagtanggi na tulungan ang US para muling mabuksan ang Strait of Hormuz.










