
Binigyang-diin ni Keir Starmer na dapat manatiling nakatuon ang pansin sa Ukraine sa kabila ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan, kasunod ng digmaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.
Nakipagpulong si Starmer kay Volodymyr Zelensky sa Downing Street sa London noong Martes bilang bahagi ng pagbisita ng Ukrainian leader sa Europa. Nauna nang nagtungo si Zelensky sa Paris at nakatakdang bumiyahe sa Madrid.
Sa gitna ng panawagan ng Estados Unidos na magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, naudlot ang ikatlong round ng usapang tatluhan dahil sa lumalalang sigalot sa Iran. Wala pang bagong petsa para sa susunod na negosasyon.
Bahagya ring nagluwag ang Washington sa ilang parusa laban sa Russia upang mapababa ang tumataas na presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa pagpupulong nina Starmer at Zelensky, nilagdaan ang isang kasunduang pangdepensa na naglalayong palakasin ang kakayahan laban sa drone. Layunin nitong pagsamahin ang karanasan ng Ukraine sa pagdepensa laban sa mga drone at ang kakayahan ng industriya ng United Kingdom sa paggawa ng mga makabagong teknolohiya.
Kabilang din sa kasunduan ang paglalaan ng 500,000 pounds para sa pagtatatag ng isang AI Centre of Excellence na ilalagay sa Ukrainian Ministry of Defence.
Ayon kay Zelensky, may 201 Ukrainian anti-drone experts na kasalukuyang tumutulong sa Gitnang Silangan upang depensahan ang mga bansa laban sa mga drone na gawa ng Iran. Nasa United Arab Emirates, Qatar, at Saudi Arabia ang ilan sa mga ito, at nakatakdang magtungo sa Kuwait. May karagdagang 34 eksperto ang nakaantabay para sa deployment.
Nakipagkita rin si Zelensky kay King Charles III sa Buckingham Palace at sa NATO chief na si Mark Rutte sa kanyang pananatili sa London.
Patuloy namang iginiit ng United Kingdom ang kanilang suporta sa Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan laban sa Russia.










