Ikinatuwa ni Union of Local Authority of the Philippines o ulap president at Quirino Governor Dax Cua ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Republic Act 12001 o ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).
Sinabi ni Cua na sa paglagda ng naturang batas ay maa-update na ang obsolete property valuation system at gawin itong mas episyente at epektibo.
Layon nitong i-streamline at pagbutihin ang real property valuation and assessment system sa pamamagitan ng pag-shift sa isang uniform real property appraisal na sumusunod sa mga internasyonal na pamantayan.
Nabatid na isinusulong ng ULAP ang pag-reporma sa real property valuation ng bansa, na pinaniniwalaan nitong magbibigay ng kapangyarihan sa mga LGU at pagpapabuti ng kanilang paghahatid ng serbisyo.
Binigyang diin ni Cua na napakahalaga ang nasabing reporma sa pagpapabuti ng sariling revenue source ng mga LGU na aniya ay makakatulong sa mga pagsisikap na makamit ang lokal na awtonomiya sa pananalapi.
Ayon sa gobernador na dahil sa inefficient at outdated system ay bilyun-bilyon ang nawala sa kita ng mga lokal na pamahalaan sa mga nakaraang taon na ito sana ay mga kita na maaaring magamit sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong panlipunan sa komunidad.
Hinimok din ni Cua ang national government na magbigay ng mga pagsasanay sa mga LGU upang matiyak na maipapatupad nang maayos ang bagong property valuation system.