
Hindi pa umano handa ang militar ng Estados Unidos na magbigay ng escort sa mga oil tanker na dumaraan sa Strait of Hormuz dahil nakatuon pa ang kanilang mga puwersa sa opensiba laban sa Iran.
Ayon kay US Energy Secretary Chris Wright, kasalukuyang ginagamit ng US military ang kanilang mga asset sa pag-target sa kakayahang militar at industriya ng Iran na sumusuporta sa mga pag-atake nito.
Dagdag ni Wright, plano pa rin ng Estados Unidos na magbigay ng escort sa mga oil tanker ngunit hindi pa ito maisasagawa sa ngayon. Posible umano itong mangyari bago matapos ang buwan.
Samantala, sumirit sandali sa mahigit $100 ang presyo ng langis matapos ang pag-atake sa dalawang oil tanker malapit sa Iraq na ikinasawi ng hindi bababa sa isang tao.
Ayon naman sa International Energy Agency (IEA), nagdudulot ang digmaan sa Iran ng pinakamalaking pagkagambala sa suplay ng langis sa kasaysayan ng pandaigdigang merkado.
Dahil dito, nagkasundo ang mga bansang miyembro ng IEA na maglabas ng kabuuang 400 milyong bariles ng langis mula sa kanilang reserba—ang pinakamalaking oil release na naitala.










