
Itinuturing paring “work in progress” ang negosasyon sa 19% tariff sa mga produktong Pilipino na inihayag ni US President Donald Trump, habang parehong hinahanap ng Pilipinas at Estados Unidos ang paraan para mapababa ang buwis na balak ipataw sa Manila, ayon sa Philippines Ambassador to the United States.
Sinabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez na parehong naghahanap ang dalawang panig ng katanggap-tanggap na kasunduan, habang ang Pilipinas, bilang pinakamatagal na treaty ally ng Amerika sa Asya, ay nakikipagnegosasyon para sa mas maraming exemptions sa mga produktong itinuturing na taxable ng US.
Pagkatapos ng kanyang pagpupulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo ng nakaraang taon, inanunsyo ni Trump na ang bagong rate ng taripa para sa Manila ay nasa 19% na bahagyang mas mababa sa 20% na dati niyang iminungkahi, samantalang ang mga produktong US na papasok sa bansa ay walang buwis.
Binigyang-linaw ni Romualdez na ang zero tariffs sa mga produktong US ay para lamang sa ilang sektor, tulad ng mga sasakyan, at hindi saklaw ang mga produktong agrikultural upang maprotektahan ang lokal na magsasaka.
Kabilang sa mga pangunahing export ng Pilipinas sa US ang mga elektronikong produkto, kabilang ang semiconductors, piyesa ng sasakyan, tela at damit, trigo, animal feeds, at coconut oil.
Sa kabila ng ipinataw na taripa ng US sa Pilipinas, sinabi ni Romualdez na nananatiling matatag at aktibo ang kalakalan ng dalawang bansa.










