Sinagot ng Malacañang ang paghingi ng paumanhin ni Vice President Sara Duterte sa publiko kaugnay ng umano’y pagtulong niya sa pagkapanalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa isyu ng patuloy na pagbaha na iniuugnay niya sa korapsyon sa pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, marami pa umanong bagay na dapat linawin at paghingan ng paumanhin ng Bise Presidente sa taumbayan.

Giit ni Castro, dapat unahin ni VP Duterte ang paghingi ng tawad sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, pati na ang dati nitong pahayag na may kilala siyang assassin at nag-utos umano na ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Binanggit din ng Palasyo ang umano’y pagpapalaganap ng maling impormasyon, pati ang mga personal na biyahe sa ibang bansa at ang kaugnay na gastos para sa staff at seguridad.

Kabilang din sa mga isyung tinukoy ang pagtanggap umano ni Duterte sa posisyon bilang kalihim ng Department of Education sa kabila ng sinasabing kakulangan sa karanasan, gayundin ang mga alegasyon ng pekeng student vouchers, panis na pagkaing naipamahagi sa ilang paaralan, at mga school materials na hindi umano naideliver.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Castro, may pahayag umano si Duterte na may alam siyang paraan upang mapababa ang presyo ng bigas ngunit hindi niya ito ibinahagi dahil ayaw niyang makatulong sa Pangulo.