Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang magiging pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang Abril 30, kasunod ng pakikipagpulong nito sa mga manufacturer noong Abril 6.

Ayon sa ahensya, sapat ang suplay ng mga produkto kaya hindi na kailangan ang panic buying. Patuloy din umano ang kanilang pagbabantay sa mga pamilihan upang matiyak na abot-kaya ang presyo ng mga bilihin.

Kabilang sa mga sakop ng kasunduan ang mga produktong may suggested retail price tulad ng de-latang sardinas, gatas, tinapay, kape, instant noodles, bottled water, sabon, asin, de-latang karne, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nagbabala ang DTI na magsasagawa sila ng aksyon laban sa mga negosyong lalabag sa SRP, kabilang ang pagbebenta ng sobra sa itinakdang presyo at mga ilegal na gawain tulad ng hoarding at profiteering.