Inilipat sa compound ng Bureau of Customs (BOC) ang walong mamahaling sasakyan na nagkakahalaga ng P143 million na umano’y konektado sa dating mambabatas na si Zaldy Co.

Ang mga sasakyan ay pansamantalang inilagak sa pasilidad ng Independent Commission on Infrastructure sa Taguig City noong Enero matapos itong masamsam ng BOC batay sa intelligence report ng komisyon at maisyuhan ng warrant of seizure and detention.

Ayon sa BOC, inilagay muna sa ICI compound ang mga sasakyan dahil sa kakulangan ng espasyo sa Port of Manila.

Natapos naman ang mandato ng ICI sa pag-iimbestiga ng mga anomalya sa flood control projects noong Marso 31, anim na buwan matapos itong mabuo.

Sinabi ng BOC na naging posible ang paglipat ng mga sasakyan sa Port of Manila matapos nilang maibenta sa auction ang iba pang nakumpiskang sasakyan, kaya nagkaroon ng sapat na espasyo para sa mga unit na dating nakaimbak sa ICI.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng ahensya, agad nilang inilipat ang mga sasakyan upang matiyak na mananatili itong nasa direktang kustodiya ng gobyerno kasunod ng pagsasara ng ICI.

Nagsumite rin umano ang BOC ng kinakailangang manifestation sa korte upang masiguro na nasunod ang tamang proseso sa paglilipat.

Nauna nang sinabi ng Philippine National Police na siyam na sasakyan ang target sa operasyon ngunit walo lamang ang narekober, habang may anim pang natagpuan ng mga awtoridad.

Ang operasyon ay nag-ugat sa dalawang search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 41 kaugnay ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Si Co, na idineklarang pugante ng Sandiganbayan Sixth Division, ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa P289.5-million road dike project sa Oriental Mindoro.

Siya ay nasa labas ng bansa mula pa noong Agosto 2025 at nananatiling hindi pa matukoy ang kinaroroonan.