
Isinusulong sa Kamara de Representantes ang panukalang magbigay ng ₱3,000 buwanang pensyon at insurance coverage para sa mahihirap, nakatatanda, at may kapansanang magsasaka sa ilalim ng House Bill No. 7663 o “Comprehensive Farmers’ Pension and Social Protection Act” na inihain ni Martin Romualdez.
Layunin ng panukala na mabigyan ng buwanang pensyon at basic life at disability insurance ang mga magsasakang hindi saklaw ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng ₱3,000 buwanang pensyon ang kwalipikadong benepisyaryo, may maximum na ₱50,000 basic life insurance coverage, at hanggang ₱25,000 bawat claim para sa aksidente at disability assistance.
Ipatutupad ang programa ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Crop Insurance Corporation.
Tinutukoy sa panukala na ang “elderly farmer” ay 60 taong gulang pataas at walang natatanggap na pensyon mula sa SSS, GSIS, o pribadong retirement system, habang ang “disabled farmer” ay may medikal na sertipikasyon ng kapansanan.
Ang “indigent farmer” naman ay yaong kinilalang mahirap ng lokal na pamahalaan batay sa datos ng Philippine Statistics Authority alinsunod sa Republic Act No. 11315.
Nakasaad din na ang sinumang mapatunayang nandaya sa programa ay maaaring makulong ng isa hanggang 12 buwan, pagmultahin ng ₱10,000 hanggang ₱100,000, o kapwa parusa, at kung opisyal ng gobyerno ang lalabag ay maaari pa itong ma-disqualify sa paghawak ng posisyon at maharap sa administratibo at kriminal na kaso.










