Pormal nang nasampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Code of the Phillipines ang isa sa dalawang suspek na nahuli dahil sa iligal na pamumutol ng punong kahoy sa magkahiwalay na lugar sa Brgy Masin, Alcala, Cagayan.
Ayon kay PMAJ Harold Agdamag, hepe ng PNP-Alcala, unang nakatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa iligal na pamumutol ng kahoy ng isa sa mga suspek kung saan naaktuhan ang illegal logging activity ng nahuling suspek sa bulubunduking bahagi ng Brgy Masin.
Narekober sa kanya ang tinatayang may volume na 538 board feet at estimated market value na P21K ang mga kahoy na walang kaukulang dokumento na nakatakdang ibenta.
May ipinakita naman itong permit subalit nang suriin ay expired na.
Samantala, habang nagsasagawa ng anti-illegal logging operation ay namataan naman ng mga pulis ang nasa siyam na piraso ng G. Melina na tinatayang nasa 307 board feet na nagkakahalaga ng mahigit P15K.
Agad namang nakatakas ang lalaking may-ari nito na tukoy na ng pulisya at patuloy na pinaghahanap.
Sa ngayon ay pansamantalang ipinasakamay ng pulisya sa barangay ang mga nakumpiskang kahoy.