Dinisarmahan at ikinustodiya ng Marikina police ang dalawang pulis matapos ireklamo ng kanilang babaeng kasamahan dahil umano sa pangmomolestiya sa loob ng police mobile.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong gabi ng Agosto 17 habang magkasama ang tatlong pulis na kabilang sa iisang unit.
Ilang araw ang lumipas bago nagpasya ang biktima na magsampa ng reklamo laban sa kaniyang mga kabaro.
Inilipat siya sa Eastern Police District habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bagaman ligtas na ang kaniyang kalagayan, aminadong nahihirapan pa rin ang pulis na babae dahil sa sinapit niya.
Kasalukuyang nasa preventive custody ang dalawang pulis na may ranggong Patrolman at Staff Sergeant.
Mariin nilang itinanggi ang paratang, ngunit nakatakda silang harapin ang posibleng administrative at criminal charges sakaling mapatunayan ang reklamo ng kanilang kasamahan.