
Hindi bababa sa 480 Pilipino sa Middle East ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran, United States, at Israel, ayon sa Philippine Consulate sa Dubai.
Sinabi ni Consul General Ambrosio Brian Enciso III na ang mga uuwi, na binubuo ng hindi bababa sa 36 na turista at 270 migrant workers, ay aalis mula sa Dubai sakay ng chartered flight.
Sinabi pa ni Enciso na may darating din na grupo mula sa Abu Dhabina aabot sa 90.
Lumala ang tensyon sa rehiyon mahigit isang linggo na ang nakalipas matapos ang pinagsamang operasyong militar ng United States at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28.
Ayon sa consul-general, kabilang sa mga repatriate ang mga Pilipinong nagpahayag ng kagustuhang umuwi sa Pilipinas.
Sasabay din sa biyahe mula Dubai si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
Isinasaalang-alang din ng pamahalaan ang pag-ayos ng isa pang chartered flight depende sa dami ng nais magpa-repatriate.
Ito ang kauna-unahang repatriation ng mga Pilipino sa Middle East sa pamamagitan ng chartered flight.
Noong Miyerkules, inihayag ng Department of Migrant Workers na 44 OFWs mula sa Israel at Dubai ang nakauwi sa Pilipinas matapos dumaan sa land travel patungong Egypt, bago lumipad sa Oman at tuluyang bumalik sa Pilipinas.
May 90 OFWs rin ang umuwi mula sa United Arab Emirates noong Lunes.
Nauna nang sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. na inaayos ng pambansang pamahalaan ang charter flights upang maiuwi ang mga Pilipino sa gitna ng tensyon sa Middle East.










