
Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi bababa sa walong indibidwal ang kumpirmadong nasawi sa Davao Region matapos ang malalakas na ulan na dala ng shear line.
Sinabi ni OCD Region XI Director Ednar Dayanghirang na apat sa mga biktima ay mula sa Davao de Oro, habang ang apat na iba pa ay naitala sa Davao Oriental.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na lahat ng nasawi ay biktima ng mga pagguho ng lupa o landslide kasunod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa rehiyon.
Maliban sa mga nasawi, matindi rin ang iniwang pinsala ng masamang panahon sa kabuhayan at ari-arian.
Sa lalawigan ng Davao de Oro pa lamang, tinatayang nasa 20,000 pamilya na ang naapektuhan, habang pumalo na sa P376 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Dahil dito, binigyang-diin ni Dayanghirang ang agarang pangangailangan na isaayos ang mga drainage system sa mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa hinaharap.
Ayon sa opisyal, ang hindi maayos at kulang-kulang na disenyo ng drainage sa mga national road ang isa sa mga dahilan kung bakit walang maayos na daluyan ang tubig na rumaragasa mula sa mga kabundukan.
Nanawagan ang OCD sa mga lokal na pamahalaan na tutukan ang aspetong ito ng imprastraktura upang mabawasan ang panganib sa tuwing may matinding pag-ulan sa rehiyon.










