
Pinayagan ng Senate impeachment court ang presentasyon ng impormasyon tungkol sa foreign currency o dollar accounts ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ito ay matapos tanggihan ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero ang pagtutol ni Senator-Judge Imee Marcos sa pagtalakay ng AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa isang non-peso account.
Ayon kay Escudero, hindi nangangahulugan ang confidentiality ng foreign currency deposits na hindi na maaaring i-report o siyasatin ang mga ito sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.
Ipinaliwanag niyang ang mga covered at suspicious transaction reports na isinumite sa AMLC ay hindi nagiging absolutely confidential dahil lamang naglalaman ang mga ito ng impormasyon tungkol sa foreign currency accounts.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi inaatasan ng impeachment court ang mga bangko na ilabas ang dollar accounts ni Duterte.
Ang hinihingi lamang umano sa AMLC witness ay ang pagpapatotoo sa mga rekord at financial information na legal nang nasa kanilang possession matapos i-report ng mga covered institution sa AMLC.










