
Nanindigan ang International Criminal Court (ICC) na ipagpapatuloy nito ang mandato at paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng mga sanksyon na ipinataw ng Estados Unidos.
Ayon kay ICC President Tomoko Akane, gagampanan ng hukuman ang tungkulin nito nang malaya at patas, batay sa batas at mga ebidensya, para sa kapakanan ng mga biktima ng malulubhang krimen.
Nakatakdang simulan ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Inilabas ng ICC ang pahayag matapos magpatupad ng panibagong mga paghihigpit at sanksyon ang administrasyon ni US President Donald Trump laban sa operasyon ng hukuman.
Sa kabila nito, iginiit ng ICC na mananatili itong nakatuon sa paghahatid ng katarungan sa gitna ng mga hamong pinansyal at pampulitika.










