
Plano ng Department of Agriculture (DA) na pagbutihin ang kondisyon ng mga storage facility, partikular ang mga bodega ng bigas, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Asis Perez, mahalagang matiyak na maayos ang mga pasilidad na ginagamit sa pag-iimbak ng bigas upang mapanatili ang kalidad ng mga stock sa kabila ng inaasahang pagbaba ng lokal na produksiyon ng pagkain.
Bagama’t nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa tulong ng National Food Authority (NFA), isa pa rin sa mga hamon ang wastong pag-iimbak at pangangalaga sa mga nakareserbang bigas.
Paliwanag ni Perez, maaaring bumaba ang kalidad ng palay kapag naapektuhan ng ulan, bagyo o matinding init, na posibleng maging dahilan upang hindi na ito mapakinabangan o maipamahagi.
Kaugnay nito, naglaan din ang pamahalaan ng pondo para sa pagtatayo, rehabilitasyon at pagpapanatili ng mga drying facility.
Tiniyak naman ng NFA na patuloy nitong susuriin ang mga bodega nito, kabilang ang tibay at kondisyon ng mga istruktura, upang matiyak na angkop ang mga ito sa ligtas na pag-iimbak ng bigas.










