Nakikitang malapit nang maisampa ng Office of the Ombudsman ang mga kasong kriminal laban kay Senator Loren Legarda at Batangas Representative Leandro Leviste kaugnay ng hindi naideliber na suplay ng kuryente ng solar company ni Leviste.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, malapit nang maisampa ang mga kaso, ngunit tumanggi siyang magbigay ng tiyak na petsa kung kailan ito isasagawa.

Iginiit ni Remulla na nakabatay sa ebidensiya ang hakbang ng kaniyang tanggapan at hindi ito isang uri ng pampulitikang pag-uusig.

Aniya, kabilang sa mga sinusuri ang umano’y conflict of interest at mga transaksiyon ng kumpanya, kabilang ang pagbebenta nito at paglilipat ng mga prangkisa. Sinabi rin niyang maglalabas sila ng mga ulat kaugnay ng mga ito.

Tinutulan din ni Remulla ang pananaw na walang batayan ang mga kasong inihahanda laban sa mag-ina. Ayon sa kaniya, hindi nakatutulong sa kanilang panig ang matagal na pananatili nila sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ng Ombudsman na dapat harapin ng mga sangkot ang mga kasong isasampa laban sa kanila sa halip na umiwas sa proseso ng batas.

Gayunman, hindi pa naihahain ang mga kasong tinutukoy ni Remulla, at ang mga pahayag ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang anumang pananagutan nina Legarda at Leviste.