
Itinaas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 500,000 metric tons mula sa dating 220,000 metric tons ang quota sa pag-aangkat ng mais sa ilalim ng Minimum Access Volume o MAV scheme upang matugunan ang inaasahang kakulangan sa suplay ng yellow corn sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 129, na nilagdaan noong Oktubre 26, pinahintulutan ang karagdagang 280,000 metric tons na imported corn upang tugunan ang inaasahang kakulangan na aabot sa 1.422 milyong metric tons mula Marso hanggang Disyembre 2026.
Ayon sa kautusan, maaaring magpataas ng gastos sa feeds ang kakulangan sa mais, na posibleng magresulta sa pagmahal ng produksyon at retail prices ng baboy at manok, gayundin sa dagdag na presyur sa implasyon.
Inaasahang makatutulong ang mas mataas na import quota upang mapababa ang gastos ng mga feed miller at livestock at poultry producer dahil sa mas mababang taripa sa mga inaangkat na mais.
Gayunman, kinuwestiyon ng ilang grupo sa agrikultura ang hakbang dahil posibleng bumaba ang farm-gate prices ng lokal na mais kapag dumami ang imported corn sa merkado. Tinutulan din ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang panukala at kinuwestiyon kung makikinabang dito ang mga mamimili sa pamamagitan ng mas mababang presyo.
Inatasan naman ang MAV Management Committee na bumuo ng mga alituntunin sa patas at malinaw na pamamahagi ng karagdagang import quota sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng kautusan.










