Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang diwa ng “kapwa” bilang mahalagang bahagi ng ugnayan ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sa pamamagitan ng pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan at mapalawak ang oportunidad sa rehiyon.

Sa kanyang pambungad na talumpati sa gala dinner ng 49th ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay City nitong Lunes, sinabi ni Marcos na bagama’t magkakaiba ang kasaysayan, interes at mithiin ng bawat bansa, nananatili silang nagkakaisa sa pamamagitan ng pagtutulungan.

Ayon sa Pangulo, ang kapayapaan ng mga karatig-bansa ay nakatutulong din sa pagpapanatili ng sariling kapayapaan, habang ang sama-samang pag-unlad ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa lahat.

Binigyang-diin din niya na ang anumang pagsubok na kinakaharap ng isang bansa sa rehiyon ay maaaring magkaroon ng epekto sa mga karatig-bansa, kaya mahalaga ang pagkakaisa at kooperasyon.

Samantala, ipinamalas din ng Pilipinas ang kultura at pagiging mapagpatuloy ng mga Pilipino sa mga delegado sa pamamagitan ng mga katutubong sayaw, higantes at pagtatampok sa mga pagkaing Pilipino sa naturang pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --