Muling naglunsad ng ground operation ang militar ng Israel sa gitnang bahagi ng Gaza, dahilan upang dose-dosenang displaced Palestinians ang lumikas mula sa kanilang mga tolda at pansamantalang tirahan nitong Miyerkules.

Iniulat na rumagasa ang mga tangke ng Israel sa Salahudeen Road, isang pangunahing lansangan na nag-uugnay sa hilaga at timog ng Gaza. Ito ang unang pagkakataong tumawid ang mga tangke sa tinatawag na Yellow Line, na nagsisilbing hangganan ng kontrol ng Israel at Hamas, mula nang ipatupad ang ceasefire noong Oktubre 2025.

Ayon sa militar ng Israel, nagsagawa ang kanilang mga sundalo at intelligence personnel ng target na operasyon upang wasakin ang isang tunnel na umano’y banta sa kanilang mga tropa.

Tinawag naman ng Hamas na paglabag sa ceasefire at mapanganib na paglala ng tensiyon ang naturang operasyon at sapilitang pagpapalikas sa mga Palestinian.

Marami sa mga lumikas ay ilang ulit nang napilitang umalis sa kanilang mga tahanan simula nang sumiklab ang digmaan noong 2023.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga awtoridad pangkalusugan sa Gaza, mahigit 1,600 Palestinian na ang nasawi mula nang ipatupad ang ceasefire, habang mahigit 74,000 naman ang kabuuang namatay sa digmaan simula Oktubre 2023.