Nagpasya ang International Court of Justice (ICJ) na responsable ang Myanmar sa genocide laban sa minoryang Muslim Rohingya bunsod ng malawakang pagpatay, panggagahasa at iba pang karahasang isinagawa ng mga puwersang panseguridad nito noong 2017.

Ayon sa 15-hukom na panel ng pinakamataas na korte ng United Nations, natugunan ang legal na pamantayan upang mapatunayang may layuning lipulin ang malaking bahagi ng Rohingya population sa Northern Rakhine State.

Kabilang sa mga natukoy na karahasan ang malawakang pagpatay sa mga kalalakihan at kabataan, seksuwal na pang-aabuso sa mga kababaihan, at pagsunog o pagwasak sa daan-daang mga nayon.

Pitong taon matapos ihain ng Gambia ang kaso, naging makasaysayang tagumpay ang desisyon dahil ito ang unang pagkakataong direktang pinanagot ng ICJ ang isang estado sa genocide.

Pinal at hindi na maaaring iapela ang pasya. Inatasan din ang Myanmar na bayaran ang mga biktima, bagaman tutukuyin pa sa susunod ang halaga ng kompensasyon, at tiyakin ang ligtas at marangal na pagbabalik ng mga Rohingya na napilitang lumikas.

-- ADVERTISEMENT --