Nakatakdang makipagkita ang aktres na si Yasmien Kurdi kay Education Secretary Sonny Angara sa Huwebes kasunod ng umano ay bullying sa kanyang anak na babae na si Ayesha upang talakayin ang mga mahahalagang solusyon at stratehiya para matugunan ang bullying sa mga paaralan.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Yasmien ang mga nagbigay ng suporta at pumuri sa kanyang ibinahagi na kuwento sa kanyang social media account tungkol sa kanilang mga anak na nakakaranas ng bullying.

May mga nagsabi na hinahangaan niya ang katapangan ng aktres na ilahad ang naging karanasan ng kanyang anak, at ito ay isang paalala sa mga hamon na hinaharap ng maraming pamilya.

Sa kanyang post, nangako si Yasmien na gagamitin niya ang kanyang platforms para isulong ang makabuluhan na pagbabago.

Matatandaan na kamakailan lang ay sinabi ni Yasmien na nakakaranas ng bullying ang kanyang anak na babae sa kanilang eskwelahan.

-- ADVERTISEMENT --