
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na agarang bayaran ang mga kontratistang maayos at tapat na tumupad sa kanilang mga proyektong pang-imprastruktura.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ipinapakita ng direktibang ito ang matibay na paninindigan ng administrasyon na paigtingin ang pagbangon ng ekonomiya, kasunod ng imbestigasyon sa mga anomalya sa ilang flood control projects.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang maayos na ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang masubaybayan at matapos nang maayos ang mga infrastructure projects.
Ibinigay ni Pangulong Marcos ang naturang utos sa isang pulong kasama ang economic team noong nakaraang linggo, kung saan inatasan niya ang mga opisyal na “mag-move forward” at bigyang-prayoridad ang mabilis at episyenteng implementasyon ng mga proyekto ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangan ng mahigpit na monitoring upang masiguro ang napapanahong pagtatapos at mataas na kalidad ng mga imprastrukturang proyekto.
Ayon kay Castro, layon din ng direktiba na palakasin ang koordinasyon ng national at local government units (LGUs) para sa mas epektibong pagbabantay at pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.










