Patuloy na inoobserbahan sa Cagayan Valley Medical Center ang suspek na nahaharap sa kasong parricide sa brutal na pagpatay sa kanyang 16-anyos na anak matapos tangkaing magpakamatay sa loob ng kulungan sa Tuguegarao City PNP-Custodial Facility.

Ayon kay Mayor Maila Que, inatasan na nito ang pulisya na mahigpit na bantayan sa pagamutan ang 34-anyos na inmate na si Jude Ballad, residente ng Brgy Carig Norte.

Sinabi ng alkalde na batay sa ulat ng pulisya, nagtungo sa comfort room na nasa loob din ng kulungan si Ballad na inakalang gagamit lamang ng palikuran subalit napansin ng kasamahang inmate na hindi pa ito lumalabas at nang puntahan ay nakita ang duguang katawan nito.

Agad namang sumaklolo ang mga pulis at itinakbo sa pagamutan ang nasabing inmate na nagtamo ng mga sugat sa leeg at puson nang tangkaing saksakin ang sarili gamit ang kutsara.

Matatandaan na boluntaryong isinuko ng kanyang kapatid sa pulisya sa Nueva Ecija ang suspek na tumakas matapos ang pananaksak nito sa kanyang anak na kanyang nakaaway noong gabi ng July 25 ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --